Martes, Agosto 29, 2017

Para sa Taong Susunod Kong Mamahalin


Masasabi mo ba kung kailan ka magmamahal ulit?
Eh kung sino yung susunod mong mamahalin?
Masasabi mo ba?
Ako hindi ko masasabi.
Pwedeng siya na magaling kumanta
Ikaw na magaling magbasketball
Ikaw, kuyang matangkad.
O kaya naman ikawi, pogi.
Diba hindi natin masasabi?

Pero itong tulang to,
Para to sa taong susunod kong mamahalin.
Makinig ka.
Hindi ko man alam kung kailan ka dadating
O ako ba ang iyong hahanapin.
Hindi ko man sigurado kung sino ka
Alalahanin mo lahat ng sasabihin ko

Wag mo akong ihatid gamit ang kotse mo
Sa halip ay sabayan mo ako at maglakad tayo.
Samahan mo ako.
Samahan mo ako kahit ilan pang kilometro
Samahan mo ako at hawakan ang mga kamay ko

Wag mo akong itago
Sa halip ay hayaan mo akong makihalubilo sa pamilya mo
Hayaan mo akong makilala ang mga tao sa buhay mo

Wag mo akong bolahin.
Sa halip ay kantahan mo ako.
Kantahan mo ako.
Ipaalala mo sa akin na ako ang mahal na mahal mo
Iparamdam mo sa akin na hindi mo kaya na mawala ako

Wag mo akong ipagpalit sa barkada mo
Wag mo akong bolahin
Wag mo akong asarin
Wag mo akong lokohin
At higit sa lahat...

Wag kang mangako sa akin.
Ayoko ng pangako
Wag kang mangangako.
Wag.
Para pag dumating sa puntong pagod ka na
Pag dumating sa puntong ayaw mo na
Pag dumating yung araw na kaya mo nang wala ako
Pag kaya mo nang iwan ako,
Hindi ako mahihirapang bumitaw.
Hindi ako mahihirapang bumitaw
Dahil wala akong pangakong panghahawakan.
Walang pangakong pipigil sa'king bumangon.
Walang pangakong hihilahin ako pabalik sayo
Walang pangakong ikukulong ako sa isang madilim na mundo
Yung mundong wala ka.

Pakiusap wag kang mangako.
Para hindi ko na kailangang masaktan.
Masaktan sa mga pangako mong sayang.
Para hindi ko na kailangang manghinayang
Manghinayang sa mga panahong sa atin lang umiikot ang mundo
Yung ang mundo mong sa'kin lang nakasentro

Wag kang mangako.
Wag kang mangako para hindi ko na kailangan magpanggap.
Magpanggap na hindi ako umasa.
Umasa sa mga sinabi mong:
"Pangako hindi kita iiwan."
"Pangako hindi kita sasaktan."
"Pangako hindi ako magbabago"
"Pangako hindi ako mapapagod."

Pakiusap, Mahal.
Wag kang mangako.
Dahil hindi ko alam kung paano bumitaw.
Hindi ko alam kung paano umayaw.
Hindi ko alam kung paano
Kasi ngayong wala ka pa,
Nakakapit pa rin ako sa taong bumitaw na.
Nakakapit pa rin ako sa mga pangakong iniwan niya.
At hindi ko alam kung paano.
Hindi ko alam kung kailan
Hindi ko alam kung kailan ako mapapagod
Hindi ko alam kung kailan ako bibitaw.
Dahil totoo lang, ayoko na.
Gusto ko nang umayaw.

Kaya para sa taong susunod kong mamahalin,
Wag kang mamangako
Wag kang mangangako kung sa huli,
Ikaw ang mapapagod. Ikaw ang susuko.
Pakiusap.
Wag kang mangangako kung sa huli,
Iiwan mo lang rin naman pala ako.



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

TAHI

Ako? Kumusta? Okay lang. 'Yan naman ang karaniwang sagot sa mga tanong niyong ganyan Pero ang totoo, Hindi ko alam. Ano bang gusto niyon...