Naisipan kong magsulat.
Isa na namang tula.
Isang obra na ikaw na naman ang bida.
Nagkasalubong na naman kasi tayo.
Wala na naman akong ginawa kun'di yumuko.
Bakit ba kasi ako nahihiya sayo?
Malakas naman ang loob ko pag ang kaharap ay ibang tao
Pero pagdating sayo, tumitiklop ako.
Okay lang naman ako.
Matagal na kitang gusto.
Hindi pa ba ako masasanay sa sitwasyon nating 'to?
Sanay na ako.
Saulado ko na nga ang bawat scenario.
Minsan magkakasalubong tayo.
Yuyuko ako.
Pero sa oras na makalampas ka ay titingin ako sa likod mo
Sabay sabing,
"Sana pala nag-hello ako"
Minsan naman tuwing late ka pumapasok at tinutukso ako ng mga kaklase natin.
Bigla kang dadating.
Lahat sila titingin sa'tin.
Yuyuko na naman ako at mahihiya.
Pagsisisihan lahat ng sinabi at ginawa.
Sabay sabing,
"Sana hindi mo nahalata."
Minsan pag nasa isang grupo tayo
Nakikipaglokohan tayo sa kanila.
Babanat ka at tatawa kaming lahat.
"Puro ka talaga kwela."
Tawa tayo nang tawa hanggang sa magkatinginan tayong dalawa. Ano pa nga ba?
Yumuko na naman ako at nahiya.
Isang araw nagreport ka.
Sinubukan kong tingnan ka sa mata.
Tingnan ka nang hindi nakayuko at nahihiya.
Nagsasalita ka,
Gumagala ang tingin mo hanggang sa mahanap nito ang aking mga mata.
Bigla akong binalutan ng kaba.
Gusto kong iiwas ang mga tingin pero hindi ko ginawa.
Hanggang sa umiwas ka.
Napayuko ako bigla.
"Yun na ata ang pinakamahabang apat na segundo ng buhay ko. Taena."
Tuwing may laro ka.
Alam mo ba na para akong girlfriend kung umasta?
Mamadaliin ang tropa pag katapos ng klase at sasabihing,
"Bilisan niyo magsisimula na"
Nabubwiset sa tricycle driver na ayaw pang umalis dahil hindi pa puno ang karga.
Eeksena naman akong feelingera,
"Kuya, tara na. Ako na magbabayad ng isa"
Hanggang sa naglalaro ka na.
Hindi ko maiwasang hindi humanga.
Nag-aalala tuwing nakikitang nahahampas ka at nababalya.
Nakatingin lang ako sayo sabay bulong sa sarili,
"Wag kang mag-alala, aabangan ko yan mamaya."
Hindi ko maitatanggi na magaling ka talaga.
Kaya naman ako itong feeling jowa,
Todo supporta.
Sumisigaw pag nakakaagaw ka ng bola.
Tumatalon pag nakakashoot ka.
At hindi ko alam.
Masyado atang malakas ang pagkakasigaw ko,
Kaya naman agad napayuko no'ng ako'y tiningnan mo.
Nakakahiya.
Nagsisisigaw. Nagtatatalon.
Lolokohin ng tropa,
"Supportive ah? Girlfriend ka ba?"
Yuyuko na naman ako sabay bulong na,
"Sana nga."
Di mo alam kung gaano ako kasaya.
At kung gaano ako umaasa na sana,
Balang araw, ang isisigaw ko na,
"Boyfriend ko yan!"
Hanggang sa kinumbinsi ko na ang sarili ko na tama na.
"Ititigil ko na 'to, kesa lumalim pa."
Tapos naging magkabanda tayong dalawa.
Ikaw ang naggigitara at ako ang kumakanta.
Bawat bagsak ng kamay mo sa gitara.
Hindi ko alam kung paano kakalma.
Umaabot kasi sa puso ko ang likha mong musika.
Kaya naman hindi ko mapigilang tingnan ka.
Kaya pumikit na lamang ako at kumanta.
Pinipigilang imulat ang aking mga mata
Dahil alam ko na sa oras na bumukas ang mga talukap na ito
Ikaw agad ang gugustuhing makita.
Kaya naman nanatili na lamang itong nakapikit habang dinadama ang bawat salita.
---
At natapos ang musika.
Iminulat ko ang aking mga mata.
Nagulat nang saktong pagbukas,
Mga tingin mo agad ang unang nakita.
Nakatingin ka sa akin nang may kahulugan.
Magkatitigan tayong dalawa.
Nakatingin lang ako sa iyong mga mata hanggang sa nagsalita ka.
"Gusto kita."
Sa gulat ay napaiwas ako ng tingin.
At tulad ng dati ay napayuko ako.
Ngunit ngayon ay hindi na nahiya.
Nakayuko habang nakangiti.
Sabay sabing,
"Pwede naman pala."
---
Kasabay ng pagmulat ng aking mga mata,
Ay ang paglagaslas ng aking mga luha.
At doon, ako'y nagising sa aking pantasya.