Huwebes, Agosto 20, 2020

TAHI

Ako?
Kumusta?
Okay lang.
'Yan naman ang karaniwang sagot sa mga tanong niyong ganyan
Pero ang totoo,
Hindi ko alam.

Ano bang gusto niyong malaman?
Wag na.
Hindi niyo rin naman naiintindihan.
Eh ako nga nahihirapan.
Tinatanong niyo kung anong pakiramdam?
Para akong halaman sa gitna ng kadiliman.
Na kahit araw araw ko namang dinidiligan.
Araw araw kong pinapainom ng pag papaalala,
Pangungumbinsi na,

"Masaya ka."

"Mahalaga ka."

"May silbi ka."

Wala.
Patuloy pa rin akong nalalanta.
Hindi makitaan ng sigla.
Hindi makitaan ng buhay.

Sinasakop na ko ng kadiliman.
Nalulunod na ko sa kumunoy ng kalungkutan.
Ahon? Ahon?!
Naririnig ko kayo!
Pero may isa ba sa inyong hinawakan ang kamay ko?
Pinilit akong ahunin sa kinasasadlakan ko?
Wala.
Wala.

02122020

HINDI OO


Babae ako.
Maganda.
Hindi makabasag pinggan.
Itinuturing na prinsesa ni Inay at Itay.
Para akong sanggol kung alagaan ni inay.
At parang diamante kung ingatan ni tatay.
Maraming paalala ang binibigay nila.
"Mag-ingat ka, babae ka pa naman."
Paalalang hindi ko maintindihan.
Babae ako.
Anong pinagkaiba sa ibang nilalang?
At sa aking pagtanda,
Dulot ng sariling karanasan,
Akin nang naintindihan.
Hindi patas ang mundo.
Hindi pantay ang pagtingin sa bawat tao.
Hindi lahat nakakakuha ng respeto.
Babae ako.
Nag-aayos ako para maging maganda,
Hindi para akitin ka.
Ginagabi ako ng uwi,
Pero hindi ibigsabihin binibigyan kita ng karapatang lumapit.
Babae ako!
Pero hindi "oo" ang ibigsabihin ng pananamit ko.
Hindi "pagpapakipot" ang ibigsabihin ng pagpupumiglas ko.
Babae ako!
Pero bakit parang kasalanan ko?
Bakit ako ang sinisisi ng mundo?
Hindi ako um-oo.
Hindi ko 'to ginusto.
Hindi ko ginustong matingnan.
Hindi ko ginustong mabastos sa daan.
Hindi ko ginustong mahawakan.
At mas lalong hindi ko ginustong mapagsamantalahan.
Babae ako!
Tao!
Isang nilalang.
Hindi laruan.
Hindi parausan.
Babae ako.
Hindi ko ginustong mapagnasaan.
Ang gusto ko?
Respeto at Paggalang.

PUNDASYON NG PANGARAP


Sa kaibuturan ng aking memorya
Aking naalala
Na sa tuwing binibigyan ako ni mama,
Lapis at pantasa
Papel at Pambura
Nagsisimula akong gumuhit ng mga bagay-bagay
At ito ang talentong una kong minahal.
Ngunit sa aking paglaki,
Tila naging magulo,
Marami akong natutunan at minahal na talento.
Malapit na akong magkolehiyo,
Ano nga bang propesyon ang gugustuhin ko?
Nagsimula akong maghanap ng sagot sa mga tanong.
Nagsimulang makinig sa mga suhestiyon at opinyon.
Pero tila wala sa mga ito ang ginugusto ng puso ko.
Ano nga ba ang pangarap ko?
Pinagmasdan ko ang mundo.
Namangha sa natatangi nitong disenyo.
Tulad ng mga gusali sa siyudad,
Na may magandang pagkakabuo.
Mga tahanan na may eksklusibong aspeto.
At doon ko napagtanto,
Bakit hindi ko balikan ang unang talentong minahal ko?
Ngayon alam ko na ang gusto ko.
Pangarap kong maging arkitekto.
Nagsimula akong tahakin ang landas ng pangarap ko.
Doon ko nalaman ang hirap nito.
Hindi madali.
Hindi madali ang gabi-gabing pagpupuyat
Na ang tanging panlaban lamang ay ilang tasa ng kape.
Kape na pawang dugo na dumadaloy sa aking ugat.
Pangarap kong maging arkitekto.
Pero hindi madaling harapin ang pagod.
Samahan pa ng mga pagdududa,
Pagdududa ng mga taong akala mo sa iyo’y naniniwala.
“Kaya mo ba talaga?”
“Hindi ka naman magaling diyan diba?”
Samahan pa ng mga panghuhusga
“Ito na ba ang gawa mo?”
“Anong klaseng inspirasyon ‘to?”
“Panget! Ulitin mo!”
Maraming beses akong nanghina at nabigo
Maraming nagtangka na sirain ang pangarap ko.
Maraming nagtataka kung bakit nakatayo pa rin ako?
Ang sikreto?
Tibay ng pundasyon ng pangarap ko.
Lahat ng positibo at negatibo ay inipon ko.
Pagod at pagdududa,
Pagkukumpara at panghuhusga.
Lahat ng ito ay pinagsama-sama ko.
Pinatibay tulad ng isang konkreto.
Pinatibay ang pundasyon ng pangarap upang hindi gumuho.
Hindi pa tapos ang laban.
Marami pang darating na ganyan.
Ngunit hindi ako magpapatinag.
At patuloy na haharap sa laban.
Pagharap sa pagod at pagdududa,
Pagtanggap sa pagkukumpara at panghuhusga,
Samahan pa ng sipag at tyaga,
Ang sangkap sa pagpapatibay ng pangarap.
Pangarap na ginusto ko.
Pangarap na ipinaglaban ko
Pangarap na minahal ko.
ANG PANGARAP KONG MAGING ARKITEKTO.

02072019

TAHI

Ako? Kumusta? Okay lang. 'Yan naman ang karaniwang sagot sa mga tanong niyong ganyan Pero ang totoo, Hindi ko alam. Ano bang gusto niyon...