Biyernes, Disyembre 22, 2017

Sampung Hakbang


Mahal.
Saksi natin ang araw.
Saksi natin ang mundo.
Saksi sila sa kung paanong minahal kita at minahal mo ako.
Saksi natin sila sa kung paanong unti-unti nating binubuo ang pinag-isa nating mundo.
Saksi natin ang dagat sa tulong ng mga alon na tila dinadala tayo patungo sa yakap ng isa't-isa.
Saksi natin ang bughaw na langit.
Saksi ito sa mga pangarap na unti-unti nating binubuo.
Saksi ang ulap sa mga pangako.
Mga pangakong hindi ka magsasawa.
Pangakong hindi ka mapapagod.
Mga pangakong walang bibitaw.
Sabi mo walang bibitaw, mahal.
Yung tipong kahit isang daliri nalang hindi mo pa rin ito bibitawan.
Pangakong mas pipiliin mong patawarin ako kaysa sumuko.

Ngunit ngayon.
Habang natutulog ang mundo.
Sa gitna ng katahimikan.
Sa ilalim ng madilim na kalangitan.
Pitong salita.
Pitong salita ang tila sumira ng lahat.
Nagsawa. Na. Ako. Tapusin. Na. Natin. Ito.
At parang nakalimutan kong magsalita.
Nakalimutan ko kung paano gumalaw.
Ang tanging nagawa ko nalang ay umiyak.
Tahimik na umiyak sa harap mo.
Tumingala ako para humingi ng tulong sa mga bituin.
Sinubukan ko ring humingi ng tulong sa alon ng dagat, sa liwanag ng araw, sa asul na kalangitan.
Sa lahat ng saksi sa ating pagmamahalan.
Pero, mahal.
Tila lahat sila ay katulad mo.
Lahat sila ay pinagtataksilan ako.
Tumalikod ka at nagsimulang lumakad palayo.

Una. Sa unang hakbang mo ay binalikan ko ang pinakang simula.
Sa kung paanong kinilala mo ako at kinilala kita.
Sa pangalawa ay binalikan ko lahat ng mga ala-ala.
Ala-ala nating dalawa.
Masasayang ala-alang binuo nating dalawa.
Mga ala-alang ngayon ay mananatili nalang sa nakaraan.
Gustuhin ko mang dagdagan ay tila ikaw na mismo ang humahadlang.
Pangatlo.
Mahal, paano na ang mga pangako?
Paano na natin tutupadin ang mga ito?
Pang-apat.
Mahal, hindi ba ako naging sapat?
Mahal, binigay ko'ng lahat.
Saan ba ako nagkulang?
Saan ako nagkulang para sa iba mo hanapin ang kaligayahan.
Pang lima.
Mahal, hindi ba ako mahalaga?
Paano na ang mga plano nating dalawa?
Pang-anim.
Mahal, paano tanggapin?
Sabihin mo sa akin dahil hindi ko alam kung paano tanggapin.
Paano ko tatanggapin lahat?
Ang hirap palang masanay.
Sa pangpito.
Mahal, sa pangpitong hakbang mo ay pumikit ako.
Inalala ko lahat.
Lahat ng halik.
Lahat ng yakap mo.
Iminulat ko ang mga mata ko.
Sa pangwalong hakbang mo.
Inipon ko lahat ng lakas ko.
Inipon ka lahat ng lakas na mayroon ako para magtanong sa huling pagkakataon.
Sa ika-siyam na hakbang mo ay nagsalita ako.
"Mahal mo pa ba ako?"
Katahimikan.
Gusto kong saktan ang sarili ko.
Gusto ko itong saktan sa pagtatanong.
Tanong na malinaw na ang sagot.
Gayon pa man.
Hinintay ko paring magsalita ka.
Mahal, hinintay kong magsalita ka.
Ngunit wala.
Hindi mo ginawa.
At ang tanging sagot na nakuha ko ay ang ika-sampung hakbang mo.
Ika-sampung hakbang palayo.

At nasundan pa ito ng mga hakbang na tila hindi ko na nabilang kung ilan.
Muli akong tumingala.
Tumingin ako sa mga bituin.
Tinitigan ko ang bwan.
Tinitigan ko sila dahil sila ang saksi ng lahat.
Sila ang saksi sa lahat ng sakit.
Pinunasan ko ang mga luha ko.
Kinuha kong muli ang natitira kong lakas at tumalikod na sa direksyon mo.
Mahina akong natawa.
Sampung hakbang.
Sampung hakbang lang pala ang tatapos sa lahat.

TAHI

Ako? Kumusta? Okay lang. 'Yan naman ang karaniwang sagot sa mga tanong niyong ganyan Pero ang totoo, Hindi ko alam. Ano bang gusto niyon...